INTRODUKSIYON: PAGSASAAD MULI NG KAISIPAN AT DAMDAMIN SA BINASA
Aking mapagtibay ang sinabi sa unang bahagi ng papel na pinamagatang Patriotismo at Dapitan ang paniniwalang nasa kalooban na ng tao ang mahalin ang pamilya, lipunan, bansa, at sangkalupaan. Higit sa lahat, ako ay sumasang-ayon din na ang patriotismo ng bayan ay animong tubig na dadaloy at patuloy na aagos sa mga ugat ng ating pagkatao bilang mga mapanagutang makabayang Pilipino. Tunay nga na ang damdaming ito, parang tubig, ay tutungo sa isang sukdulang prinsipal ng kanyang katangiang pag-apawin ang simbuyo ng pangangailang palayaan ang pag-aalab ng pagmamahal sa bayan. Isinaad rin sa panimula ang kaisipang ang Patriotismo ang kalawaan at ang Moralidad naman ang puwersang magdadala sa atin bilang Sambayanan tungo sa tunay na kalayaan, kasaganahan, at katahimikan ng buong bayan. Tunay ngang masasabi na ang Patriotismo ang buhay ng lipunan at ang Moralidad naman ang puso ng lahat lahat. Makikita na sa kabila ng malubhang krisis panlipunang ating dinaranas sa pangkasalukuyan ay positibo pa rin tayong darating din ang araw na ang bayan nating duguan at tuyo sa pagmamahal ay pagniningasin ng sama-sama nating hangaring magbigay daan mula sa pagkakakulong tungo sa radikal na pagbabagong-anyo ng lipunang Pilipino. Ito ang patriotismong Pilipino at Moralidad Kristiyano ng sambayanang Pilipinas noon at ngayon.
Habang binabasa ko ang papel ay nagkaroon ako ng panibagong pananaw at mas malalim na pag-unawa at pagtingin sa mga naging kaganapan sa kasaysayan ng ating bayan. Pinatibay nito ang aking hangaring mabuhay sa kadahilanang pag-alabin ang apoy ng patriotismo at pagmamahal sa bayang nananalaytay sa aking dugo bilang isang Pilipino. Sa katunayan, naging tulay at tanglaw ng isang naghihingalong pag-ibig sa bayan ang papel na aming binasa. Ito rin ang nagpaalala sa akin ng isang sariling karanasang umaninag sa aking pagbabalik tanaw. Tanda ko pa kung gaano katatag ang aking pagkakasabing hindi ko iiwan ang bayan ko. Tanda ko rin ang parang pagpapababa ng aking mga kaklase sa paniniwalang iyon. Hindi kaila na halos lahat sa atin ngayon ay naghahangad na mangibang bayan para sa mga praktikal na mga kadahilanan. Sa katayuang ito, tayo ay patuloy pa ring naiimpluwensyahan ng maka-koloniyalismong mentalidad sa ating sariling bayan. Totoo nga yatang isang katatawanan nalang ang pagiging makabayan sa panahong ito. Tayo ngayon ay may paniwalang, walang maidudulot ang ating pagkamakabayani at pagmamahal sa sariling bayan. Subalit, magpagayon man, ako ay mananatili pa ring rebelde sa mentalidad na itong pagsilbihan ang ibang bansa sa kung ano ang natamo ko sa sarili kong bayan.
Puna ko ang mahalagang pangangailang ito ng ating bayan sa pagtitindig ng mga masasabing totong Pilipino. Ramdam ko ang ating pangungulila sa mga Pilipinong lider na may kakayahang pagkaisahin ang sambayanan at mangibabaw sa mga hangganan ng lipunang ating kinagagalawan. Nakikita ko ang takot sa pagbibigay daan sa mga makabayang handang ialay ang sariling dugo at buhay sa pagsisimula ng isang sumisigaw na pagkakakilanlang makabayan. Akin ding batid ang kasalatan ng bayan sa isang patriotikong may kakayahang pag-apuyin minsan pa ang diwa ng patriotismong nananalaytay sa bawat isa sa atin. Ang impluwensiya ng papel na aking binasa ay tumatak sa aking puso at damdaming makabayan na magsilbing liwanag at tagapaglaganap nito. Lagi itong magsisimula sa kanya-kanya nating pagsisikap na ireporma ang ating mga sarili at sunod ang ating lipunan. Ako’y positibo na makakamtan nating mga Pilipino ang inaasam na pagbabago sa ating lipunan. Ang papel na aming binasa sa klase naming Philippine Economic History ang isang simulain ng tawag na ito ng pakikialam at paghahangad sa katotohanang ipinagkait ng nakagisnang kasaysayan. Matagal tayong pinaglaruan at tinapak-tapakan. At hanggang sa ngayon, patuloy ang pang-aanino ng mga ibang bansa sa ating bayan. Ngayon sa pagkakataong itong tigang at uhaw na ang bayan ay sukdulan nang pagmamalabis ay babangong muli ang radikal na pagtibok ng may mga malalaking puso sa bayan, sa pagsasanggi sa ating kaisipang natutulog at sa paghahabag ng ating damdaming makabayan. Ito na ang tamang pagkakataon para sa Pilipinong kagaya ng nasabi. Napapanahon na ang pag-apaw ng damdaming magsulsi sa nakaraang patuloy na bumabalong sa atin sa kasalukuyan.
KATAWAN: REAKSIYON SA KAWALAN NG PATRIOTISMO SANHI NG MALAWAKANG PANGUNGUTANG SA MGA DAYUHAN
Ang pagkayurak ng patriotismo ng bayan ay sanhi ng kaisipang mangutang ng mangutang sa kinikilalang kabihasnan, pagsasaka at ugat ng bukal banyaga sa ating lipunang labis na pinamuhunan at pinagkakapital ng komersiyong panlabas. Aking tinutukoy dito hindi lamang ang mga pangangakal pang-ekonomiya, kundi maging ng ideolohiya, at lalong lalo na sa ating tinatanging kultura, ng mga dayuhang mapagmasantala sa ating bayan. Ang kalakalang ito ang maningning na napagtagumpayan ng mga banyaga noon sa gitna ng ating ignoransya at himay-malay sa mga nagaganap sa loob ng ating sariling lipunan. At ito ang patuloy na sumasalamin sa ating kasalukuyang pakikipag-relasyon sa dayuhang interes. Ang ugnayang gaya nito ng Pilipinas sa mga dayuhan ang siyang unti-unting humuhulaw sa alab ng patriotismo na dapat sana ay humuhubog sa kaisipang independiente at hindi umaasa lamang sa impluwensiya at kaisipan na dala ng ibang bansa. Isang lipunang ginawang kasangkapan ng mga mapang-api sa pagsulong ng pansariling interes lamang ang kasalukuyang uusbong habang tayo ay mangmang at patuloy na nalilinlang lang ng isang mapagmaskarang koloniyalismo ng globalisasyon. Sa paniniwalang ito, aking ikinakatwiran ang madaling pagkakalimut ng ating lipunan sa mga naganap sa ating kasaysayan. Hindi na natin pinapahalagan ang sariling dignidad at kasarinlan ng ating bayan sa pagsasawalang-kibo at pagpapabaya sa mga kaganapang pangkasalukuyan sa ating bayan sa likod ng konsumerismo at materiyalismong hatid ng makabagong lipunan. Sa sitwasyong ito ating maaaninag ang malubhang kalagayan ng patriotismo sa ating kasaysayan at sa pangkasalukuyan na parang kalakal na unti-unting kinukunsumo ng mga pagmamalabis, kasakiman at pagkamakasariling namamagitan sa sabwatang gobyerno at dayuhan. Ulit, ito ay dahil sa nakasadlakang panghihiram at pagdedepende ng ating lipunan sa maluwag na pagdaloy ng ekonomikong kalakalan ng ibang bansa. Sa tingin ko, ang katamaran ng ating lipuan ang pinakadulo’t sanhi ng pangugutang na ito. Tama nga si Jose Rizal sa pagsasabing ang mga Pilipino ay tamad. Ginawa tayong isip-bata ng ating pagiging isang malayang lipunan. Tayo ay tinuring na mga bata at nananatiling palaasa sa kamay ng ating gobyerno, sanhi ng pagkamatay ng ating pagkukusang mabuhay para sa bayan.
PANANAW SA KASARINLAN NG BAYANG PILIPINAS
Ang pananaw ko naman sa pagiging malaya ng bansang Pilipino ay sumasalungat sa paniniwalang tunay na tayong malaya. Sa palagay ko matagal na tayong nagkakamali sapagkat hindi natin namamalayan na ang ating bayan ay wala pa rin sa mga kamay ng nakararami sa atin, lalong lalo na ng mga mahihirap nating kababayan, at marami sa ating bilang na patuloy paring nakakulong sa pagdurusa ng kahirapaan, pagsasamantala ng mga mayayaman, at kawalang-malay sa buhay ng isang tunay na independiente. Wala pa sa ating kamalayan na tayo ay inaapi pa rin lalo na ng ating sariling gobyerno. Nasabi ko ito sapagkat iilan na lamang sa atin ang tumatayong haligi ng patriotismo sa bayan. Iilan na lamang ang patuloy na lumalaban para sa tunay na kalayaan. Marami sa atin ay madaling nakalimot sa kasaysayang masakit at sa kulturang kolonialismong dinanas ng mga ninuno nating Pilipino sa loob ng mahabang panahon.
Sa aking pananaw, buhay pa rin ang Treaty of Paris sa lipunang ito. Aking pinagtataka ang napalawak na sakop ng dayuhang kapangyarihan sa larangan ng ating ekonomiya at pagnenegosiyo. Ang sagot ko sa umiiral na pagsasapribado at pagbubukas ng ating gobyerno ng pintuan para sa malawak na pamumuhunang sang-ayon sa mga dayuhan ay ang halatang pagdedepende at pangungutang natin sa mga bansang mayayaman. Akin na rin itong maikukumpara sa pagsasabenta ng ating kalayaan sa mga panlabas na interes at panibagong Treaty of Paris. Kung noon hindi natin ito alam, ngayon ay harap-harapan nang ikinakalakal ng gobyerno ang bayan sa mga dayuhan. Tayo naman ay ang sambayanang naipagbibili at patuloy na inaapi maging ng sariling gobyerno. May malubhang karamdaman na ang ating patriotismo sanhi ng mahaba nating pakikibaka sa kanser ng lipunan.
MALAWAKANG KAHIRAPAN
Dahil sa kahirapan ay wala nang makain ang mga mahihirap nating kababayan. Ganun na lamang din ang pagpapabaya sa sistema ng ating edukasyon at programang pangkalusugan, patrabaho at politika-ekonomiya. Nandyan ang “graft and corruption”, nagpapahiwatig lamang ng kawalang patriotismo at individualistikong mentalidad na umiiral sa sistema ng pamamahala sa Pilipinas at ang kawalang-lunduyan ng ating lipunan. At dahil sa patuloy na pagbibigo sa ating madama ang mga mabubuting pagbabago sa lipunan ay napanghinaan na tayo ng loob at ang pag-asa sa kinabukasan ay isinantabi nalang. Nawalan na tayo ng ganang manindigan, makilahok at mag-aruga para sa ating bayan kahit sobra-sobra na ang pasan at tinatanggap na sakit ng ating bugtong na lipunan. May taning na ang patriotismong Pilipino sanhi nitong napabayaang kanser ng lipunan. Habang tayo ay nahihimlay ay walang-habas at walang-hupa namang pinagsamantalahan ng mga dayuhan ang ating kahinahan at pagkakawatak-watak. Tayo ay naging tamad dahilan ng labis labis nating pagdepende sa dayuhang pautang (foreign loans) para sustentuhan at matustusan ang ating mga programang may kinalaman sa unlad ng ekonomiya, edukasyon, at pambansang katatagan at seguridad ng tao. Wala tayong pangambang huhupa din ang pangangailan nila sa atin sa panahong tayo na ang lubos na mangangailangan sa kanila. Walang patumanggang kumakapit sa kanilang presensya at isinasantabi ang sariling interes sa kaginhawaang ipagkatiwala ang kinabukasan ng bayang ito sa kanilang pamumuhunan, gabay at tulong. Kasama na yatang pinatay ng mga banyagang ito ang pag-asang dumadaloy sa ating kabataan gaya ng sinabi ni Rizal, tuluyang ibaon sa limot ang pag-ibig sa tinubuang lupa ni Bonifacio at kadakilaang inihandog ng ating mga patriotikong ninuno, lider at mga bayaning inalay pati ang sarili nilang buhay para sa kalayaan ng bayan. Mananatili na nga lang ba tayong uhaw sa kasarilinlang pang-ekonomiya, demokrating lipunan at pampulitikang soberinidad? Nasaan na ang kamalayang kalayaan ng lahing bayani na nagmamahal at naghahangad ng pagkakapantay-pantay at pagkakaisa sa bayan?
KONKLUSIYON
Masakit sa aking mabatid ang sinapit at kinahantungan ng ating bayan sa isang kasaysayang hawak tayo ng mga banyaga. Parang sigwang puminsala sa aking dangal bilang Pilipino ang naaaninag sa ating nakaraan. Subalit, ano mang damdamin ang aking ilabas sa aking kalooban, mananatili pa rin itong isang nakaraan. Wala na man tayong magagawa para isaayos ang nagdusa nating kalagayan ay mahalagang ipag-alab ang damdaming ito ng nakaraan bilang puhunan at lakas natin sa pagbabangon ng ating lipunang patuloy na pinagdurusa ng nakaraan at kahinaang dinaranas magpasangayon. Kailangang ibangon ang bayan sa gabay ng Diyos at hindi ninumang banyaga at sa sama-samang pagkikilos na muling pagsumikapan ang tunay na kalayaang biyaya ng Maykapal, kasaganahan at kapayapaan sa lipunang ito. Tayo tayo mismong mga Pilipino ang magtutulungan sa pagsasatayo ng ating sariling bansa, kultura, at pagkakakilanlang kaiba sa mga dayuhan. Nais nating makamtan ang pagsasariling maghahatid sa atin sa katuparan ng ibig na itong tinutulak ng sarili nating interes bilang isang buo at soberinong estado. Ang pagniningning ng patriotismong Pilipino ay higit sa lahat, mananatiling buhay at matatag sa animong dala ng puwersa ng Moralidad sa kahulihulihan ng lahat ng ating pagsusumikap at pagpupursiging makamtan ang lipunang ibig.
Sanggunian:
Patriotismo at Dapitan ni Dr. Ernesto R. Gonzales, Ph.D.